Press Materials

 

Press Releases


April 23, 2014

CADPI, tiniyak na ligtas ang 16 na nasugatang APB kaswal


NASUGBU, BATANGAS - Tiniyak ng pamunuan ng Central Azucarera Don Pedro, Inc. (CADPI) na ligtas at maayos na ang kalagayan ng 16 na kaswal na manggagawa ng Arlo P. Brucal (APB) Construction and General Service na nasugatan sa di inaasahang pangyayari sa planta noong Biyernes, 18 ng Abril 2014.
 
Sa isang pahayag, sinabi ni CADPI President/COO Arcadio S. Lozada, Jr. na nakalabas na ang 13 sa 16 na manggagawa ng APB mula sa Western Batangas Medical Center sa Balayan kung saan dinala ang mga biktima matapos silang lapatan ng first aid treatment sa CADP Hospital sa Nasugbu.
 
“Maayos na po ang kalagayan ng mga nasugatan sa aksidente noong Biyernes. Ito po ang kauna-unahang pangyayari kung saan nasugatan ang mga manggagawang nagsasagawa ng paglilinis sa Boiling House Evaporator Station mula pa noong 1989 nang magsimulang mangontrata ang APB Construction and General Services para sa mga gawain sa planta,” saad ni G. Lozada.
 
Tiniyak din ni CADPI OIC - Resident Manager Simon P. Turno III na wala nang dapat ikabahala sa sitwasyon ng mga nasugatang manggagawa.
 
“Patuloy po ang pakikipag-ugnayan ng CADPI at ng APB sa mga pamilya ng nasugatan upang matiyak ang mabilis na pagbuti ng kanilang sitwasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong medikal,” sabi ni G. Turno.
 
Sa pinakahuling balita, tatlo na lamang ang naiiwan sa ospital at sumasailalim sa patuloy na pagpapagamot. 
 
Ang aksidente ay bunsod umano nang biglaang pagtaliwas sa nakagawiang proseso ng paglilinis ng ilang manggagawa na nagnais matapos nang maaga ang kanilang mga trabaho upang makauwi para sa Semana Santa.
 
Samantala, kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa pangyayari ang CADPI na muling naghayag ng patuloy nitong pagtangkilik sa kaligtasan at kaayusan ng mga kawani at mga katuwang nito.


Roxas Holdings, Inc. (RHI), a bio-sugar and bio-energy company, is the largest integrated sugar business in the Philippines. It manages sugar miller/refiner Central Azucarera Don Pedro, Inc. in Nasugbu, Batangas; sugar miller Central Azucarera de la Carlota, Inc.; ethanol producers Roxol Bioenergy Corporation in La Carlota, Negros Occidental and San Carlos Bioenergy, Inc. in San Carlos, Negros Occidental; and RHI Agri-business Development Corporation.

RHI is listed on the Philippine Stock Exchange (PSEi: ROX). Further information can be obtained by visiting the web at www.roxasholdings.com.ph